Tuesday, October 11, 2016

Camp Tinio Elementary School, handa na para sa evaluation ng Brigada Eskwela

Handa na ang Camp Tinio Elementary School para sa evaluation ng Brigada Eskwela.

Noong Lunes ay naisumite na ang mga dokumentong kailangan para sa pagtataya.

Ibinida sa dokumento ang mga gawaing isinakatuparan ng paaralan katulad ng Ukay-ukay sa Brigada at Kantahan sa Brigada na nag-akyat ng pondo sa paaralan.

Ipinagmalaki rin sa dokumento ang pagpapataas ng school grounds ng paaralan na binabaha.

Mahigit sampong truckloads ng buhangin at lupa mula sa pamahalaang panlungsod ang itinabon sa mga bahaging ito.

Kasama rin sa nagpalakas sa tyansa ng Camp Tinio Elementary School sa pagsungkit sa Best Brigada Eskwela Implementer ang pagpapatayo ng covered pathwalk mula sa tarangkahan patungo sa ilang mga gusali ng paaralan.

Dumagdag pa rito ang halos kalahating milyong halaga ng mga donasyong natanggap ng paaralan at mahigit 60 libong pisong halagang serbisyo ng mga naging volunteers sa Camp Tinio Elementary School.

Kung ikukumpara noong nakaraang taon kung kailan pumangalawa ang Camp Tinio Elementary School sa mga large schools bilang best implementer, mas maganda ang naging paghahanda ng paaralan ngayong taon.


Kaya naman nananalangin ang mga kawani ng Camp Tinio Elementary School sa pangunguna ni Gng. Melody Eden S. Montevirgen, na sana ay makamit ng paaralan ang unang puwesto bilang best implementer ng Brigada Eskwela.

Wednesday, July 8, 2015

Mga gulayan, laganap ngayon sa Camp Tinio Elementary School

Umuusbong ngayon sa Camp Tinio Elementary School ang mga gulayan sa bawat bakuran ng mga silid-aralan.
Ito ay dahil sa paghahanda ng bawat silid-aralan sa patimpalak na Model Classroom na inilunsad ng bagong punong-guro ng Camp Tinio Eleme
ntary School na si Gng. Melody Eden Montevirgen.
Isa kasi sa mga hahanapin ng mga evaluators sa darating na Agosto ang pagkakaroon ng gulayan sa bakuran ng bawat silid-aralan.
Abala ang magulang na ito sa Grade III na pagandahin ang
kanilang vegetable garden.
Ayon kay Gng. Montevirgen, ang pagkakaroon ng vegetable garden sa bakuran ng mga silid-aralan ay isang paraan sa pagpapaigting at pagsuporta sa “Gulayan sa Paaralan” na mandato ng DepEd.
Kung dati-rati ay puro halamang ornamental ang makikita sa harap at likod ng mga silid-aralan, ngayon ay may mga sari-saring gulay na rin ang nakatanim.
Kapansin-pansin rin ang paggamit ng mga gulong, sako, at plastic bottles sa mga gulayan bilang taniman.

Katuwang ng mga guro sa pagtatanim ng mga gulay ang mga mag-aaral at kanilang mga magulang.

Wednesday, July 24, 2013

Papuri ni Pangulong Aquino sa DepEd sa kaniyang SONA, sinang-ayunan ng Camp Tinio Elementary School

Pinuri ng Pangulong Benigno Aquino ang Department of Education o DepEd sa kaniyang ika-apat na State of the Nation Address noong Lunes. Naging sentro ng papuri ang mga gawain ng kagawaran sa pagtugon sa mga backlogs o kakulangan sa mga paaralan sa bansa.
Kung Camp Tinio Elementary School ang tatanungin, papuri rin ang ibabato nito sapagkat isa ang paaralan sa mga nakararanas ng pagsisikap ng kagawaran na maibsan ang mga kakulangan nito.
Patunay nito ang tatlong daan at labinlimang  upuang inihatid sa paaralan kamakailan lang bilang bahagi ng  DepEd School Furniture Program na inilunsad noong nakaraang taon.
Nakatakdang ipalit sa mga umuugang mga upuan ang mga bagong silyang bahagi ng  941.3 milyong halagang inilaan sa nasabing programa.

Ramdam din ng paaralan na unti-unti nang naiibsan ang kakulangan sa mga libro. Nauna nang ibinalita sa programang ito ang mahigit limanlibong mga bagong librong ipinamahagi noong nakaraang pasukan sa mga mag-aaral ng Camp Tinio Elementary School.

Maling gawi ng ilang guro sa pagbibigay ng gawaing proyekto sa mga mag-aaral, inaksiyunan ng pamunuan ng CTES

          Ipinahayag ng punong-guro ng Camp Tinio Elementary School na si Dr. Consuelo Rivera ang paninindigan ng pamunuan ng paaralan hinggil sa talamak na kamalian ng ilang mga guro nito hinggil sa pagbibigay ng proyektong gawain o project sa mga mag-aaral.
          Naobserbahan kasi ang talamak na panghihingi ng mga guro ng project sa mga mag-aaral na pawang mga binili lamang at walang kinalaman sa asignatura.
          Isiniwalat naman ng ilang mag-aaral ang kanilang mga naging karanasan sa maling gawing ito.
          Batay sa Revitalized Basic Education Curriculum o RBEC na siyang pinalitan ng K to 12 Curriculum at siya pa ring sinusunod ngayon sa ikatlo hanggang ikaanim na baitang, mula 10 hanggang 25 porsiyento ng kabuuang marka ng mag-aaral sa elementarya ang nakalaang bigat para sa project.
          Matatandaang batid ng mga guro ang mga batayang kaalaman sa pagbibigay ng projects sa mga asignatura dahil isang paksa ito sa pre-service training ng mga guro noong sila ay nasa kolehiyo pa lamang at gayundin sa mga in-service training na kanilang dinaluhan.
          Ilan sa mga batayang ito ay patuloy na sinusunod ng isang Master Teacher ng Camp Tinio Elementary School na si Gng. Edna Empania.
          Upang tuluyan nang maiwasan ang maling gawi ng ilang mga guro sa Camp Tinio Elementary School, nakakakasa ang isang in-service training sa paaralan na tatalakay sa mga dapat at hindi dapat gawin sa pagbibigay ng mga proyektong gawain sa mga mag-aaral gayundin ang paraan ng pagmamarka sa mga ito.

May nakalaan namang aksiyong nakalaan sa mga gurong magpapatuloy sa kanilang maling gawain. 

Pagpapataas ng performance sa National Achievement Test ang nagungunang prayoridad ng Camp Tinio Elementary School ngayong taong panuruan

Pagpapataas ng performance sa National Achievement Test ang nagungunang prayoridad ng Camp Tinio Elementary School ngayong taong panuruan ayon sa punongguro nito na si Dr. Consuelo Rivera.
Mula kasi sa 45.46 na Mean Percentage Score ng paaralan noong nakaraang taong panuruan ay bumaba ito sa 42.85 na kung ilalarawan ay lubhang mababa sa pamantayan na 75%.
Upang makamit ang layunin ng paaralan na mapataas ang NAT performance, iginugol ang pitumpung libong School Based Management grant ng paaralan sa mga karagdagang mga kagamitang panturo at mga libro.
Ayon naman sa ilang mga guro sa Grade VI, mainam na pinagtutuunan ng pansin ang performance ng NAT sa Grade VI subalit hindi umano dapat ibunton ang sisi sa mga guro ng Grade VI. Dapat anila ay pinagtutuunan na ang pagkatuto ng mga mag-aaral simula pa lamang sa kindergarten at Grade 1 lalo na ang pagsasanay sa kanilang pag-unawa o comprehension.
Dagdag pa nila, kailangan din ang tulong ng mga magulang sa pagsubaybay sa pag-aaral ng kanilang mga anak. 

Sunday, June 23, 2013

Upang maiwasan ang umpukan, mga magulang ng mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1, pinagbawalan sa bakuran ng Camp Tinio Elementary School

Hanggang sa katapusan na lamang ng Hunyo mananatili sa bakuran ng paaralan ang mga magulang ng mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade I sa Camp Tinio Elementary School.
Ito ang mariing naging desisyon ng pamunuan ng paaralan upang maiwasan ang umpukan ng mga magulang sa tapat ng silid-aralan ng kanilang mga anak.
Ang ilan kasi sa mga magulang, bukod sa pag-uumpukan, ay lamas-pasok pa sa silid-aralan habang nagkaklase ang mga bata. Ang iba ay nakadungaw sa bintana at ang iba naman ay nasa loob pa ng silid-aralan at tila kasama sa klase.
Ang mga pangyayaring ito, ayon sa mga guro ay abala sa kanilang klase.
Tanggap naman ng mga magulang ang naging pasiya ng pamunuan at ayon sa kanila ay handa naman silang sundin ang patakaran bagamat hindi anila maaalis sa kanila ang pag-aalala sa kanilang mga anak.

Ang waiting shed sa harap ng paaralan ang inilaang lugar na hintayan para sa mga magulang ng mga mag-aaral sa kindergarten at Grade 1.