Kampeonato sa 12th Drum and Lyre Competition, napasakamay ng Camp Tinio Elementary School
Matapos ang dalawang taong pagiging mailap ng kampeonato, sa wakas ay muling napasakamay ng Camp Tinio Elementary School ang pinakamataas na puwesto sa Drum and Lyre Competition ngayong taon na ginanap sa NE Pacific Mall noong Sabado.
Matatandaan na huling napasakamay ng Camp Tinio ang pangunguna sa nasabing kompetisyon noong 2008 at nakatikim na lamang ang grupo ng 1st runner-up noong 2009 at 2nd runner-up noong nakaraang taon.
Sa labindalawang taong paglulunsad ng Drum and Lyre Competition na sinimulan noong taong 2000, minsan lamang nagmintis sa pagsungkit ng puwesto ang Camp Tinio Elementary School at ito ay noong 2006.
Taong 2000 hanggang 2002 ay hinirang na kampeon ang grupo. Itinaghal naman ito bilang 1st runner-up noong 2003 hanggang 2005, at taong 2007.
Pumangalawa sa puwesto ngayong taon ang Lazaro Francisco Elementary School at pumangatlo naman ang defending champion na J.P. Melencio Elementary School.
Tinalo ng grupo ng Camp Tinio ang 20 iba pang kalahok sa pagpapamalas nila ng kanilang tikas at husay sa sabayang pagtugtog ng drum at lyre na pinamatnubayan ng kanilang band master at guro ng musika sa Camp Tinio Elementary School na si Ginoong Jose Barcelo.
Bahagi ng pagdiriwang ng ika animnapu’t isang taong pagkakatatag ng Lungsod ng Cabanatuan ang nasabing patimpalak.