Tuesday, October 11, 2016

Camp Tinio Elementary School, handa na para sa evaluation ng Brigada Eskwela

Handa na ang Camp Tinio Elementary School para sa evaluation ng Brigada Eskwela.

Noong Lunes ay naisumite na ang mga dokumentong kailangan para sa pagtataya.

Ibinida sa dokumento ang mga gawaing isinakatuparan ng paaralan katulad ng Ukay-ukay sa Brigada at Kantahan sa Brigada na nag-akyat ng pondo sa paaralan.

Ipinagmalaki rin sa dokumento ang pagpapataas ng school grounds ng paaralan na binabaha.

Mahigit sampong truckloads ng buhangin at lupa mula sa pamahalaang panlungsod ang itinabon sa mga bahaging ito.

Kasama rin sa nagpalakas sa tyansa ng Camp Tinio Elementary School sa pagsungkit sa Best Brigada Eskwela Implementer ang pagpapatayo ng covered pathwalk mula sa tarangkahan patungo sa ilang mga gusali ng paaralan.

Dumagdag pa rito ang halos kalahating milyong halaga ng mga donasyong natanggap ng paaralan at mahigit 60 libong pisong halagang serbisyo ng mga naging volunteers sa Camp Tinio Elementary School.

Kung ikukumpara noong nakaraang taon kung kailan pumangalawa ang Camp Tinio Elementary School sa mga large schools bilang best implementer, mas maganda ang naging paghahanda ng paaralan ngayong taon.


Kaya naman nananalangin ang mga kawani ng Camp Tinio Elementary School sa pangunguna ni Gng. Melody Eden S. Montevirgen, na sana ay makamit ng paaralan ang unang puwesto bilang best implementer ng Brigada Eskwela.