Thursday, July 21, 2011
Wednesday, July 20, 2011
Proyekto para sa instruction, learning environment, health and sanitation, pinuntirya ng HPTA sa Camp Tinio Elementary School
Instruction, learning environment, at health and sanitation.
Ito ang mga naging pokus ng ilang mga Homeroom PTA officers ng Camp Tinio Elementary School sa kanilang mga proyekto ngayong taong panuruan.
Sa 35 mga pangkat mula una hanggang ika-anim na baitang, dalawa sa mga ito ang maidaragdag na sa listahan ng mga silid-aralan na kung saan ang guro ay gumagamit na ng telebisyon at instructional videos sa pagtuturo.
Anim na pangkat naman ang nagdagdag ng mga bentilador, na ayon sa mga opisyales ay makatutulong upang ang mga silid-aralan ay lalong maging “conducive” sa pag-aaral.
Washing area at mga comfort rooms naman ang nakatakdang itayo sa apat na silid-aralang wala pang sariling C.R at washing area na siya namang magiging isa sa mga sandata sa pagkakaroon ng malusog at malinis na pangangatawan ng mga mag-aaral at kapaligiran ng paaralan.
Sa pangunguna ng mga opisyales ng HPTA sa bawat pangkat, naisakatuparan at kasalukuyang isinasakatuparan pa ang mga proyektong ito.
Patuloy pa rin naman sa pag-paplano ng mga magiging proyekto ang mga opisyales sa iba pang mga baitang at pangkat.
Thursday, July 14, 2011
Wednesday, July 13, 2011
Academic Performance ng mga undernourished sa Camp Tinio Elementary School, target pataasin ng Feeding Program
Ang feeding program ay hindi lang upang palusugin ang katawan kundi gayundin ang isipan.
Sa pangungusap na ito nakabatay ang layunin ng Camp Tinio Elementary School sa pagpapakain ng 271 mga undernourished na mag-aaral sa taunang feeding program nito na pormal nang sinimulan ngayong buwan ng Nutrisyon.
Naniniwala ang Health and Nutrition Coordinator ng Camp Tinio Elementary School na hindi lamang mapabubuti ang kalusugan ng mga mag-aaral dahil sa feeding program.
Makatutulong din aniya ito upang maiangat ang performance ng mga bata sa silid-aralan na pinatutunayan ng maraming pag-aaral na nagsasabi sa direktang relasyon ng nutrisyon sa academic performance ng mga mag-aaral.
Batay kasi sa datos ng paaralan mula sa Nutritional Status Record ngayong taon, 15.32% ng kabuuang populasyon ng Camp Tinio Elementary School ang undernourished o ang tinatawag na wasted at severely wasted.
Kapansin-pansin na 80 porsiyento sa mga napabilang sa ganitong kategorya ay may mababang academic performance na ibinatay sa kanilang General Average noong nakaraang taon.
Kaya naman inaasahan ang positibong epekto ng feeding program kapwa sa pisikal at mental na performance ng mga mag-aaral.
Samantala, 80 porsiyento naman ang naitalang malulusog na mga mag-aaral, .76 % ang obese, at 3.38 % ang above normal.
Friday, July 8, 2011
Sunday, July 3, 2011
Dahil sa pagyakap ng mga magulang sa Universal Kindergarten Education, enrolment sa Kindergarten lumobo
Lumubo ng limampung porsiyento ang populasyon ng kindergarten sa Camp Tinio Elementary School ngayong taon dahil sa pagyakap ng mga magulang sa Universal Kindergarten Education na unang hakbang sa ilalim ng K to 12 basic education program ng Department of Education o DepEd.
Ang dating apat na klase o pangkat noong nakararaang mga taon na binubuo ng hindi bababa sa dalawampu’t limang estudyante bawat klase ay naging anim na pangkat na ngayong taon, na may kabuuang 150 mga mag-aaral.
Bagamat may biglaang paglaki ng bilang ng mga mag-aaral sa kindergarten, inasahan naman ito ng Camp Tinio Elementary School dahil nga sa naturang Universal Kindergarten Education, na nagtatakda sa mga batang maglilimang taong gulang ngayong buwan ng Hunyo hanggang Oktubre na pumasok sa kindergarten.
Ayon sa DepEd, pre-requisite na ngayon ang kindergarten sa mga batang limang taon bago sila makatuntong sa Grade I.
Matatandaang nagkaroon ng maagang pagpapatala ng mga mag-aaral na papasok sa kindergarten noong Enero taong kasalukuyan na siyang naging maagang paalala sa mga magulang tungkol sa Universal Kindergarten Education.
Sa kasalukuyan, may isang klase ng mga kindergarten sa Camp Tinio Elementary School ang nasa ilalim ng Kindergarten Regular Program o KRP na hawak ng gurong may permanent status at dalawang klase sa ilalim ng Kindergarten Volunteer Program o KVP na hawak naman ng mga gurong volunteer.
Lahat ng klase maging sa KRP man o KVP ay sumusunod sa itinakdang integrated curriculum at nagkaroon na ng pagsasanay tungkol dito noong Mayo na ginanap sa Angeles City.
Nakatanggap na rin ang mga guro ng Kindergarten Curriculum Guide na naglalaman ng pang-araw-araw na gawain ng mga mag-aaral sa loob ng sampung buwan.
Bagamat hindi pa dumarating sa paaralan ang Basic Instructional Package na naglalaman ng isang set ng manipulative toys, story books, at mga awit at kuwento sa CD at DVD, kaniya-kaniya munang paraan ang mga guro sa kindergarten upang maisagawa ang pang-araw araw na gawain ng mga bata ayon sa Kindergarten Curriculum guide.