Lumubo ng limampung porsiyento ang populasyon ng kindergarten sa Camp Tinio Elementary School ngayong taon dahil sa pagyakap ng mga magulang sa Universal Kindergarten Education na unang hakbang sa ilalim ng K to 12 basic education program ng Department of Education o DepEd.
Ang dating apat na klase o pangkat noong nakararaang mga taon na binubuo ng hindi bababa sa dalawampu’t limang estudyante bawat klase ay naging anim na pangkat na ngayong taon, na may kabuuang 150 mga mag-aaral.
Bagamat may biglaang paglaki ng bilang ng mga mag-aaral sa kindergarten, inasahan naman ito ng Camp Tinio Elementary School dahil nga sa naturang Universal Kindergarten Education, na nagtatakda sa mga batang maglilimang taong gulang ngayong buwan ng Hunyo hanggang Oktubre na pumasok sa kindergarten.
Ayon sa DepEd, pre-requisite na ngayon ang kindergarten sa mga batang limang taon bago sila makatuntong sa Grade I.
Matatandaang nagkaroon ng maagang pagpapatala ng mga mag-aaral na papasok sa kindergarten noong Enero taong kasalukuyan na siyang naging maagang paalala sa mga magulang tungkol sa Universal Kindergarten Education.
Sa kasalukuyan, may isang klase ng mga kindergarten sa Camp Tinio Elementary School ang nasa ilalim ng Kindergarten Regular Program o KRP na hawak ng gurong may permanent status at dalawang klase sa ilalim ng Kindergarten Volunteer Program o KVP na hawak naman ng mga gurong volunteer.
Lahat ng klase maging sa KRP man o KVP ay sumusunod sa itinakdang integrated curriculum at nagkaroon na ng pagsasanay tungkol dito noong Mayo na ginanap sa Angeles City.
Nakatanggap na rin ang mga guro ng Kindergarten Curriculum Guide na naglalaman ng pang-araw-araw na gawain ng mga mag-aaral sa loob ng sampung buwan.
Bagamat hindi pa dumarating sa paaralan ang Basic Instructional Package na naglalaman ng isang set ng manipulative toys, story books, at mga awit at kuwento sa CD at DVD, kaniya-kaniya munang paraan ang mga guro sa kindergarten upang maisagawa ang pang-araw araw na gawain ng mga bata ayon sa Kindergarten Curriculum guide.
No comments:
Post a Comment