Umagaw ng pansin sa mga mag-aaral, magulang, at mga guro ang sasakyan ng Bureau of Jail Management and Penology nang dumating sa Camp Tinio Elementary School noong Biyernes.
Nagkaroon ng mga hinuhang may kriminal na huhulihin sa paaralan. Ang iba nama’y nagsabing may nakatakas sa piitan at nagkakanlong sa paaralan.
Natuldukan ang lahat ng hinuha nang makitang hindi pagtugis ng takas o kriminal ang pakay ng mga pulis. Dahil ang tunay nilang pakay sa paaralan ay hindi mga kriminal.
Mahigit sampung miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP ng Kalikid Norte ang naghandog ng community service sa Camp Tinio Elementary School bilang suporta sa kampanya ng naturang ahensiya na tinawag na “Tulong sa Komunidad, Bayang Maunlad” at bilang pahabol na rin sa Oplan Balik Eskuwela ng DepEd.
Sa pangunguna ni Jail Superintendent Andrew Tauli, nilinis at muling binuhay ang compost pit facility ng Camp Tinio Elementary School.
Ani Tauli, bagama’t ito ang kauna-unahang pakikilahok ng BJMP sa community service sa paaralan, asahan daw ang taunan nang partisipasyon ng grupo.
Lubos naman ang pasasalamat ng punong-guro ng Camp Tinio Elementary School na si Ginang Marcelina Arenas sa tulong na inihandog ng BJMP.
Patunay lamang aniya ito ng patuloy na paglakas ng partisipasyon ng mga external stakeholders sa pagpapabuti ng paaralan.
No comments:
Post a Comment