Pinaiigting ngayon ang mga programang pangkalusugan at nutrisyon ng Camp Tinio Elementary School alinsunod sa DepEd Order No. 43 na ipinalabas ng Kagawaran ng Edukasyon bago magkatapusan ng buwan ng Mayo ngayong taon.
Kaya naman isang linggo matapos ang pasukan ay tumanggap na ang mga mag-aaral sa Grade I ng mga pagkain mula sa mga sponsors ng breakfast feeding program ng paaralan.
Nakahain na rin ang hanay ng mga sponsors ng isa pang programa ng Camp Tinio Elementary School na Supplementary Feeding Program na para naman sa mga batang kulang sa taas at timbang na batay sa World Health Organization Child Growth Standards Tables and Charts.
Patuloy pa rin naman ang pagtitimbang at pagsusukat ng taas ng mga batang mag-aaral upang matiyak kung sinu-sino at ilan ang kabuuang bilang ng sasailalim sa naturang supplementary feeding program.
Samantala, inihahanda na rin ang mga lupang tanimang sakop ng Camp Tinio Elementary School para sa sa programang “Gulayan sa Paaralan” na siyang isa sa mga panggagalingan ng mga sariwang gulay na gagamitin sa mga feeding programs ng paaralan.
Binigyang-diin naman ng punong-guro ng Camp Tinio Elementary School na si Ginang Marcelina Arenas sa mga guro na paigtingin din ng husto ang partisipasyon ng mga government and non-government organizations sa pamamagitan ng adopt-a-classroom program na kung saan ang bawat sponsor ay siyang magiging kaagapay ng guro sa pagpapanatili at pagpapabuti pa sa kalusugan at nutrisyon ng mga batang mag-aaral.
No comments:
Post a Comment