Monday, August 29, 2011

Responsibilidad at pananagutan ng mga stakeholders, nilinaw sa School-Based Management Orientation Program ng Camp Tinio Elementary School

PANANAGUTAN.

Ito ang salitang kumintal sa isipan ng mga internal at external stakeholders ng Camp Tinio Elementary School sa katatapos na School-based Management o SBM Orientation Program na inorganisa ng paaralan kamakailan.

Mariing ipinaliwanag ng isa sa mga gurong tagapagsalita sa oryentasyon na si G. Allan David Valdez ang ika-anim na dimensiyon ng SBM na tumatalakay sa accountability o pananagutan hindi lamang ng mga guro gayundin ng mga magulang at komunidad sa pagkatuto ng mga mag-aaral at performance ng paaralan sa kabuuan.

Tinanggap naman ng mga stakeholders ang kanilang pananagutan na ayon sa kanila ay bunga ng kanilang pagmamalasakit sa paaralan.

Binigyang-diin din ni Valdez ang mga benepisyong dulot ng SBM sa mga mag-aaral, magulang, guro, at paaralan na sinang-ayunan naman ng mga nagsidalo.

Naliwanagan din ang mga nagsidalo sa kanilang mga responsibilidad bilang partner ng paaralan sa tulong ng isa pang gurong tagapagsalita sa oryentasyon na si Bb. Mary Grace Valiente.

Isa-isang tinalakay ni Valiente ang responsibilidad ng School Governing Council o SGC, General Parent-Teacher Organization o GPTA, Local Government Unit, Non-Government Organization, at ng komunidad.

Nagpahiwatig naman ng pagbalikat sa mga responsibilidad ang mga miyembro ng mga nasabing stakeholders.

Kabilang sa mga nagsidalo ang mga opisyales ng SGC, GPTA, HPTA, Sangguniang Barangay, at mga guro na inaasahang sama-samang kikilos sapagkat sila ay may PANANAGUTAN.

Tuesday, August 2, 2011

Kakayahang pangkusina, natutuhan ng mga mag-aaral sa Nutri Cookfest ng Camp Tinio Elementary School

Busog na ang tiyan, busog pa ang isipan.

Pinatunayan ito ng mga mag-aaral ng Camp Tinio Elementary School na lumahok at nag-ala chef sa Nutri Cookfest noong nakaraang linggo na bahagi ng pagdiriwang ng paaralan sa Buwan ng Nutrisyon.

Bukod sa mga masusustansiyang pagkain na bumusog sa mga mag-aaral, hindi maitatatwa ang mga kakayahang pangkusinang naranasa at natutunan ng mga ito sa kanilang pakikilahok sa taunang Nutri Cookfest maging babae o lalaki man.

Mula sa tamang pagtatalbos, hanggang sa pagbabalat ng gulay ay naranasan at natutunan ng mga mag-aaral.

May mga nakaranas din ng magparingas ng apoy, maghiwa ng mga gulay, maglinis ng isda, maghalo ng lutuin, at magprito.

Hindi rin maitatanggi ang kahusayan ng ilan sa food presentation tulad na lamang nitong tortang cauliflower na napaliligiran ng animo pabulaklak na pechay baguio, at itong seafoods supreme na pinalamutian ng berdeng seeweeds.

Itinanghal na panalo sa paligsahan ang putaheng seafood fiesta ng Grade V at ginataang dahon ng kamoteng kahoy at crispy kangkong naman ng Grade VI.

Natalo man ang karamihan, panalo naman sila sa habambuhay na karanasang hindi nila malilimutan.