Wednesday, July 24, 2013

Papuri ni Pangulong Aquino sa DepEd sa kaniyang SONA, sinang-ayunan ng Camp Tinio Elementary School

Pinuri ng Pangulong Benigno Aquino ang Department of Education o DepEd sa kaniyang ika-apat na State of the Nation Address noong Lunes. Naging sentro ng papuri ang mga gawain ng kagawaran sa pagtugon sa mga backlogs o kakulangan sa mga paaralan sa bansa.
Kung Camp Tinio Elementary School ang tatanungin, papuri rin ang ibabato nito sapagkat isa ang paaralan sa mga nakararanas ng pagsisikap ng kagawaran na maibsan ang mga kakulangan nito.
Patunay nito ang tatlong daan at labinlimang  upuang inihatid sa paaralan kamakailan lang bilang bahagi ng  DepEd School Furniture Program na inilunsad noong nakaraang taon.
Nakatakdang ipalit sa mga umuugang mga upuan ang mga bagong silyang bahagi ng  941.3 milyong halagang inilaan sa nasabing programa.

Ramdam din ng paaralan na unti-unti nang naiibsan ang kakulangan sa mga libro. Nauna nang ibinalita sa programang ito ang mahigit limanlibong mga bagong librong ipinamahagi noong nakaraang pasukan sa mga mag-aaral ng Camp Tinio Elementary School.

Maling gawi ng ilang guro sa pagbibigay ng gawaing proyekto sa mga mag-aaral, inaksiyunan ng pamunuan ng CTES

          Ipinahayag ng punong-guro ng Camp Tinio Elementary School na si Dr. Consuelo Rivera ang paninindigan ng pamunuan ng paaralan hinggil sa talamak na kamalian ng ilang mga guro nito hinggil sa pagbibigay ng proyektong gawain o project sa mga mag-aaral.
          Naobserbahan kasi ang talamak na panghihingi ng mga guro ng project sa mga mag-aaral na pawang mga binili lamang at walang kinalaman sa asignatura.
          Isiniwalat naman ng ilang mag-aaral ang kanilang mga naging karanasan sa maling gawing ito.
          Batay sa Revitalized Basic Education Curriculum o RBEC na siyang pinalitan ng K to 12 Curriculum at siya pa ring sinusunod ngayon sa ikatlo hanggang ikaanim na baitang, mula 10 hanggang 25 porsiyento ng kabuuang marka ng mag-aaral sa elementarya ang nakalaang bigat para sa project.
          Matatandaang batid ng mga guro ang mga batayang kaalaman sa pagbibigay ng projects sa mga asignatura dahil isang paksa ito sa pre-service training ng mga guro noong sila ay nasa kolehiyo pa lamang at gayundin sa mga in-service training na kanilang dinaluhan.
          Ilan sa mga batayang ito ay patuloy na sinusunod ng isang Master Teacher ng Camp Tinio Elementary School na si Gng. Edna Empania.
          Upang tuluyan nang maiwasan ang maling gawi ng ilang mga guro sa Camp Tinio Elementary School, nakakakasa ang isang in-service training sa paaralan na tatalakay sa mga dapat at hindi dapat gawin sa pagbibigay ng mga proyektong gawain sa mga mag-aaral gayundin ang paraan ng pagmamarka sa mga ito.

May nakalaan namang aksiyong nakalaan sa mga gurong magpapatuloy sa kanilang maling gawain. 

Pagpapataas ng performance sa National Achievement Test ang nagungunang prayoridad ng Camp Tinio Elementary School ngayong taong panuruan

Pagpapataas ng performance sa National Achievement Test ang nagungunang prayoridad ng Camp Tinio Elementary School ngayong taong panuruan ayon sa punongguro nito na si Dr. Consuelo Rivera.
Mula kasi sa 45.46 na Mean Percentage Score ng paaralan noong nakaraang taong panuruan ay bumaba ito sa 42.85 na kung ilalarawan ay lubhang mababa sa pamantayan na 75%.
Upang makamit ang layunin ng paaralan na mapataas ang NAT performance, iginugol ang pitumpung libong School Based Management grant ng paaralan sa mga karagdagang mga kagamitang panturo at mga libro.
Ayon naman sa ilang mga guro sa Grade VI, mainam na pinagtutuunan ng pansin ang performance ng NAT sa Grade VI subalit hindi umano dapat ibunton ang sisi sa mga guro ng Grade VI. Dapat anila ay pinagtutuunan na ang pagkatuto ng mga mag-aaral simula pa lamang sa kindergarten at Grade 1 lalo na ang pagsasanay sa kanilang pag-unawa o comprehension.
Dagdag pa nila, kailangan din ang tulong ng mga magulang sa pagsubaybay sa pag-aaral ng kanilang mga anak. 

Sunday, June 23, 2013

Upang maiwasan ang umpukan, mga magulang ng mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1, pinagbawalan sa bakuran ng Camp Tinio Elementary School

Hanggang sa katapusan na lamang ng Hunyo mananatili sa bakuran ng paaralan ang mga magulang ng mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade I sa Camp Tinio Elementary School.
Ito ang mariing naging desisyon ng pamunuan ng paaralan upang maiwasan ang umpukan ng mga magulang sa tapat ng silid-aralan ng kanilang mga anak.
Ang ilan kasi sa mga magulang, bukod sa pag-uumpukan, ay lamas-pasok pa sa silid-aralan habang nagkaklase ang mga bata. Ang iba ay nakadungaw sa bintana at ang iba naman ay nasa loob pa ng silid-aralan at tila kasama sa klase.
Ang mga pangyayaring ito, ayon sa mga guro ay abala sa kanilang klase.
Tanggap naman ng mga magulang ang naging pasiya ng pamunuan at ayon sa kanila ay handa naman silang sundin ang patakaran bagamat hindi anila maaalis sa kanila ang pag-aalala sa kanilang mga anak.

Ang waiting shed sa harap ng paaralan ang inilaang lugar na hintayan para sa mga magulang ng mga mag-aaral sa kindergarten at Grade 1.

Friday, June 21, 2013

Pananaliksik, paiigtingin sa buong Sangay ng Cabanatuan

Mga nanunundong sasakyan sa Camp Tinio Elementary School, pinagbawalang pumasok sa bakuran ng paaralan

Sarado na sa mga naghahatid at nagsusundong sasakyan ang tarangkahan ng Camp Tinio Elementary School matapos ipagbawal ang pagpasok ng mga ito sa bakuran ng paaralan simula ngayong taong panuruan.
Dati rati kasi’y labas masok ang mga sasakyan sa bakuran ng paaralan at madalas ay nakapagtatala ng mga aksidente.
Upang tuluyang maiwasan ang mga aksidente, naglaan ang paaralan ng parking area para sa mga sasakyan na maghahatid at susundo sa mga mag-aaral ng Camp Tinio Elementary School.
Katulong ng barangay, naglaan din ng mga no parking signs sa labas ng paaralan upang maiwasan ang iba pang mga aksidente sa daang palabas ng Camp Tinio Elementary School.
Inaasahang magiging matagumpay ang hakbang na ito ng paaralan para sa seguridad ng mga mag-aaral.


Sunday, June 9, 2013

No Collection Policy, mahigpit na ipinatupad sa CTES

             Mahigpit na ipinatupad sa Camp Tinio Elementary School ang polisiya ng Department of Education hinggil sa No Collection Policy sa pagpapalista ngayong pasukan.
              Batay sa datos ng paaralan, walang insidente ng paniningil sa mga magulang ng mga batang mag-aaral ang naiulat noong magpatala ang mga ito para sa ngayong taong panuruan 2013-2014.
              Ang mga bayarin naman ng mga magulang sa authorized contribution noong nakaraang taon ay sinegurong mabayaran ng mga magulang. Subalit kung talagang gipit pa rin, kahit na dumaan na ang isang buong taon, ay maluwag pa ring binigyan ng panahon ang mga magulang upang makapagbayad.
              Upang mas lalo pang maging matibay ang kampanya ng paaralan sa No Collection Policy, nagpaskil ng tarpaulin ang pamunuan ng Camp Tinio Elementary School sa isang bahagi ng paaralan na nagpapaliwanag sa naturang polisiya.
               Nakasaad sa tarpaulin na walang singiling kokolektahin sa pagpapatala ng mga mag-aaral.

Nakalista rin ang mga aytem na bahagi sa authorized contribution na sisimulang bayaran sa Agosto katulad ng school paper fund, student government fund, at iba’t-ibang mga atorizadong tiket.