Kaisahan ng Lahat, Kailangan sa Pagpuksa sa Dengue
Hindi lingid sa lahat ang puspusang paglaban ng Camp Tinio Elementary School kontra Dengue.
Bukod sa pagpapanatili ng kalinisan sa loob ng paaralan ay busog din sa payo, bilin, at pangaral ang mga mag-aaral tungkol sa pag-iwas sa naturang sakit. Kamakailan pa nga ay bumandera sa unang isyu ng pahayagang pampaaralan ng nasabing paaralan ang maigting nitong paglaban kontra Dengue.
Sa kabila nito ay hindi pa rin naiwasan ang pagtatala ng mga kaso ng naturang sakit na mula sa kagat ng lamok.
Mula sa pitong kaso na naitala mula buwan ng Hunyo hanggang Oktubre ay tumaas na ito sa labing-apat. Kabilang na rito ang malungkot na kaso ng pagkamatay ng isang mag-aaral na nasa unang baitang SPED, ilang linggo bago mag-Pasko.
Si Tricia Dela Cuesta, sa murang edad na anim ay ginupo ng Dengue at pumanaw bago pa man sumapit ang pagdiriwang ng paaralan ng SPED and Parents’ Day na kung saan siya sana ay nakapagsayaw at nakapagsaya kasama ng kaniyang mga kamag-aral at magulang.
Hindi na rin nagawang ipagdiwang ni Tricia ang kapaskuhan. At hindi na rin niya nasalubong ang bagong taon kasama ang kanyang mga magulang na hanggang ngayo’y nagluluksa pa rin sa pagkawala ng kanilang supling.
Sa patuloy na pagsalakay ng mga lamok na nagdadala ng Dengue, hindi sapat na ang paaralan lamang ang maigting na lumalaban kontra rito. Hindi bente y kuwatro oras ay nasa loob ng paaralan ang mga mag-aaral. Sila ay malayang nakakikilos pa rin sa iba pang bahagi ng komunidad.
Hindi rin maaaring sabihing sapat ang pagiging malinis ng ating tahanan upang makaiwas sa Dengue. Dahil ang lamok ay naglalakbay at lumilipad. Paano kung ang ating bakuran nga ay ubod ng linis kung ang sa iba naman ay hindi.
Seryosong usapin ang paglaban sa Dengue at hindi lamang ang paaralan ang dapat na gumagawa ng hakbang upang ang naturang sakit ay mapuksa. Buhay ang nakasalalay sa pagkilos ng bawat isa. Buhay na sana’y hindi magiging isang tulad ng lobo na kung nabitiwa’y tatangayin ng hangin sa kalangitan hanggang sa ito’y maglaho at hindi na matanaw.
No comments:
Post a Comment