Monday, June 27, 2011

BJMP wardens, nag-community service sa Camp Tinio Elementary School

Umagaw ng pansin sa mga mag-aaral, magulang, at mga guro ang sasakyan ng Bureau of Jail Management and Penology nang dumating sa Camp Tinio Elementary School noong Biyernes.

Nagkaroon ng mga hinuhang may kriminal na huhulihin sa paaralan. Ang iba nama’y nagsabing may nakatakas sa piitan at nagkakanlong sa paaralan.

Natuldukan ang lahat ng hinuha nang makitang hindi pagtugis ng takas o kriminal ang pakay ng mga pulis. Dahil ang tunay nilang pakay sa paaralan ay hindi mga kriminal.

Mahigit sampung miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP ng Kalikid Norte ang naghandog ng community service sa Camp Tinio Elementary School bilang suporta sa kampanya ng naturang ahensiya na tinawag na “Tulong sa Komunidad, Bayang Maunlad” at bilang pahabol na rin sa Oplan Balik Eskuwela ng DepEd.

Sa pangunguna ni Jail Superintendent Andrew Tauli, nilinis at muling binuhay ang compost pit facility ng Camp Tinio Elementary School.

Ani Tauli, bagama’t ito ang kauna-unahang pakikilahok ng BJMP sa community service sa paaralan, asahan daw ang taunan nang partisipasyon ng grupo.

Lubos naman ang pasasalamat ng punong-guro ng Camp Tinio Elementary School na si Ginang Marcelina Arenas sa tulong na inihandog ng BJMP.

Patunay lamang aniya ito ng patuloy na paglakas ng partisipasyon ng mga external stakeholders sa pagpapabuti ng paaralan.

Sunday, June 19, 2011

Programang pangkalusugan at nutrisyon ng Camp Tinio Elementary School, pinaiigting

Pinaiigting ngayon ang mga programang pangkalusugan at nutrisyon ng Camp Tinio Elementary School alinsunod sa DepEd Order No. 43 na ipinalabas ng Kagawaran ng Edukasyon bago magkatapusan ng buwan ng Mayo ngayong taon.

Kaya naman isang linggo matapos ang pasukan ay tumanggap na ang mga mag-aaral sa Grade I ng mga pagkain mula sa mga sponsors ng breakfast feeding program ng paaralan.

Nakahain na rin ang hanay ng mga sponsors ng isa pang programa ng Camp Tinio Elementary School na Supplementary Feeding Program na para naman sa mga batang kulang sa taas at timbang na batay sa World Health Organization Child Growth Standards Tables and Charts.

Patuloy pa rin naman ang pagtitimbang at pagsusukat ng taas ng mga batang mag-aaral upang matiyak kung sinu-sino at ilan ang kabuuang bilang ng sasailalim sa naturang supplementary feeding program.

Samantala, inihahanda na rin ang mga lupang tanimang sakop ng Camp Tinio Elementary School para sa sa programang “Gulayan sa Paaralan” na siyang isa sa mga panggagalingan ng mga sariwang gulay na gagamitin sa mga feeding programs ng paaralan.

Binigyang-diin naman ng punong-guro ng Camp Tinio Elementary School na si Ginang Marcelina Arenas sa mga guro na paigtingin din ng husto ang partisipasyon ng mga government and non-government organizations sa pamamagitan ng adopt-a-classroom program na kung saan ang bawat sponsor ay siyang magiging kaagapay ng guro sa pagpapanatili at pagpapabuti pa sa kalusugan at nutrisyon ng mga batang mag-aaral.

Thursday, March 17, 2011

Kampeonato sa 12th Drum and Lyre Competition, napasakamay ng Camp Tinio Elementary School

Matapos ang dalawang taong pagiging mailap ng kampeonato, sa wakas ay muling napasakamay ng Camp Tinio Elementary School ang pinakamataas na puwesto sa Drum and Lyre Competition ngayong taon na ginanap sa NE Pacific Mall noong Sabado.

Matatandaan na huling napasakamay ng Camp Tinio ang pangunguna sa nasabing kompetisyon noong 2008 at nakatikim na lamang ang grupo ng 1st runner-up noong 2009 at 2nd runner-up noong nakaraang taon.

Sa labindalawang taong paglulunsad ng Drum and Lyre Competition na sinimulan noong taong 2000, minsan lamang nagmintis sa pagsungkit ng puwesto ang Camp Tinio Elementary School at ito ay noong 2006.

Taong 2000 hanggang 2002 ay hinirang na kampeon ang grupo. Itinaghal naman ito bilang 1st runner-up noong 2003 hanggang 2005, at taong 2007.

Pumangalawa sa puwesto ngayong taon ang Lazaro Francisco Elementary School at pumangatlo naman ang defending champion na J.P. Melencio Elementary School.

Tinalo ng grupo ng Camp Tinio ang 20 iba pang kalahok sa pagpapamalas nila ng kanilang tikas at husay sa sabayang pagtugtog ng drum at lyre na pinamatnubayan ng kanilang band master at guro ng musika sa Camp Tinio Elementary School na si Ginoong Jose Barcelo.

Bahagi ng pagdiriwang ng ika animnapu’t isang taong pagkakatatag ng Lungsod ng Cabanatuan ang nasabing patimpalak.

National Achivement Test

NAT review sa Camp Tinio Elementary School, pinaaga

Bilang tugon sa seryosong hangarin ng Camp Tinio Elementary School na mapataas ang performance nito sa National Achievement Test (NAT), tinagubilinan ni Gng. Marcelina Arenas, punungguro ng nasabing paaralan, ang mga guro ng Grade III at VI na magsagawa simula Nobyembre ng maagang pagbabalik-aral sa mga araling sakop ng NAT.

Nakasaad sa direktiba ni Gng. Arenas ang paggamit ng oras na nakalaan sa remedial teaching gayundin ang dalawampung minuto bago ang unang klase sa hapon na siyang magsisilbing oras para sa NAT review.

Mahigpit ding tinagubilinan ang mga guro na bigyang pansin ang mga least-learned skills na lumabas sa nakaraang NAT at Spot Test. Aniya, ibayong pagtutok sa mga ito ang kailangan.

Sa pagsasagawa ng review, ang mga mag-aaral ay sasagot sa maikling pre-test na tumatalakay sa isa o higit pang skills. Matapos ang talakayan sa mga naging sagot sa pre-test ay susubukin ang mga bata sa isa namang post-test na may ibang test questions ngunit may parehas na skills tulad ng sa pre-test.

Matatandaang nagsagawa rin ang paaralan ng NAT review noong nakaraang taon subalit hindi ito naging sapat upang umangat ang performance ng paaralan sa NAT kaya’t mas pinaaga at mas pinaigting ang NAT review ngayong taon.

Follow Up:

Dahil sa pagtaas ng kaso ng dengue,

fogging sa CTES isinagawa

Bunsod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga estudyanteng nagkakasakit ng Dengue at upang hindi na maulit pa ang kaso ng pagkamatay ng isang mag-aaral ng Camp Tinio Elementary School dahil sa naturang sakit ay nagsagawa ng fogging ang Department of Health sa Camp Tinio Elementary School kamakailan.

Sa pangunguna ni Ginang Nieves Sarenas, Sanitation Inspector II ng Provincial Health Unit, na nauna nang nag-inspeksiyon sa paaralan at nakipagpulong sa mga guro tungkol sa mga aksiyong ginawa ng paaralan sa pagpuksa sa naturang sakit, pinausukan ang loob ng mga silid-aralan hindi upang itaboy ang mga lamok kundi upang puksain ang mga ito.

Ayon kay Sarenas, ang gamot na ginamit sa pagpapa-usok ay hindi yaong nagpapataboy lamang ng lamok kundi ito ay yaong pumapatay sa mga ito upang hindi na makapangitlog pa.

Kahit wala pang outbreak sa lugar ay patuloy pa rin ang isinasagawang pamamaraan ng paaralan upang mapuksa ang Dengue katulad ng Linis Bayan at pagsusuot ng mga mag-aaral ng pantalon o jogging pants at mga damit na may mahahabang manggas.

Matatandaan na buwan pa lamang ng Hulyo nang magpalabas ang Department of Education ng memorandum tungkol sa pagapaigting sa paglaban sa Dengue ay sinimulan na ng paaralan ang kampanya laban sa nasabing sakit.

Hinihiling naman ng pamunuan ng paaralan ang pakikilahok ng buong komunidad sa pagpuksa sa Dengue sa pamamagitan ng paglilinis rin ng kanilang mga bakuran sapagkat hindi naman tiyak kung ang lamok nga na nagdadala ng Dengue ay mula sa paaralan.

Monday, January 10, 2011

Kaisahan ng Lahat, Kailangan sa Pagpuksa sa Dengue

Hindi lingid sa lahat ang puspusang paglaban ng Camp Tinio Elementary School kontra Dengue.

Bukod sa pagpapanatili ng kalinisan sa loob ng paaralan ay busog din sa payo, bilin, at pangaral ang mga mag-aaral tungkol sa pag-iwas sa naturang sakit. Kamakailan pa nga ay bumandera sa unang isyu ng pahayagang pampaaralan ng nasabing paaralan ang maigting nitong paglaban kontra Dengue.

Sa kabila nito ay hindi pa rin naiwasan ang pagtatala ng mga kaso ng naturang sakit na mula sa kagat ng lamok.

Mula sa pitong kaso na naitala mula buwan ng Hunyo hanggang Oktubre ay tumaas na ito sa labing-apat. Kabilang na rito ang malungkot na kaso ng pagkamatay ng isang mag-aaral na nasa unang baitang SPED, ilang linggo bago mag-Pasko.

Si Tricia Dela Cuesta, sa murang edad na anim ay ginupo ng Dengue at pumanaw bago pa man sumapit ang pagdiriwang ng paaralan ng SPED and Parents’ Day na kung saan siya sana ay nakapagsayaw at nakapagsaya kasama ng kaniyang mga kamag-aral at magulang.

Hindi na rin nagawang ipagdiwang ni Tricia ang kapaskuhan. At hindi na rin niya nasalubong ang bagong taon kasama ang kanyang mga magulang na hanggang ngayo’y nagluluksa pa rin sa pagkawala ng kanilang supling.

Sa patuloy na pagsalakay ng mga lamok na nagdadala ng Dengue, hindi sapat na ang paaralan lamang ang maigting na lumalaban kontra rito. Hindi bente y kuwatro oras ay nasa loob ng paaralan ang mga mag-aaral. Sila ay malayang nakakikilos pa rin sa iba pang bahagi ng komunidad.

Hindi rin maaaring sabihing sapat ang pagiging malinis ng ating tahanan upang makaiwas sa Dengue. Dahil ang lamok ay naglalakbay at lumilipad. Paano kung ang ating bakuran nga ay ubod ng linis kung ang sa iba naman ay hindi.

Seryosong usapin ang paglaban sa Dengue at hindi lamang ang paaralan ang dapat na gumagawa ng hakbang upang ang naturang sakit ay mapuksa. Buhay ang nakasalalay sa pagkilos ng bawat isa. Buhay na sana’y hindi magiging isang tulad ng lobo na kung nabitiwa’y tatangayin ng hangin sa kalangitan hanggang sa ito’y maglaho at hindi na matanaw.